Wednesday, July 9, 2008

Larawan ng Kahirapan




Mahal kong Pilipinas, bakit ganito?
Nasumpungan Mong lagay, tindig at anyo;
Kalunos-lunos, masaklap, pagkabigo.
Hayag, kita sa mukha ng Iyong tao.


‘Di Mo matanggi, sapagkat ito’y lantad,
Itago man, ito’y kusang sasambulat!
Matakpan man ng rangya’y mahahagilap,
Kahirapan sa buong bansa’y laganap.


Kahirapang Iyo nang naging larawan
Nang nasasakupan Mo’y pinabayaan.
Hayaan at malantad, nang masaksihan
Hitsurang bumabalot sa kapuluan.


Mahihirap, sikmura ay kumakalam;
Walang makain, ni panlaman sa tiyan,
Namamatay nang dahil sa kahinaan!
Kaawa-awa, sa sakit walang laban.


Sa lamig ng gabi at nitong tag-ulan,
Wala silang bahay, tamang kasuotan.
Ano kanilang magiging pansanggalang?
Kawawang mahirap nasa kamatayan.


Nagkalat sila sa ating kalunsuran;
Sa simbahan, sa parke, mga lansangan.
Nanlilimos, dala pag-asang mabigyan,
Nilang maykaya at mga mayayaman.


Sa mga pook rural, sa kanayunan;
Mga probinsyano’y walang kabuhayan,
Walang opurtunidad sa kanyang bayan;
Sa ibang bansa, doon ay nandayuhan.


Sa ibang lupa sila ay inalila;
Masakit na deskriminasyon napala!
Imbis na pasalamat, ay alipusta!
Puri’t dangal nilang mahirap nawala.


Bitbit ng kahirapan ay kamangmangan;
Mahihirap ‘di lugar ang eskwelahan,
Tuloy nagbata kanilang kaisipan.
Paano makaahon, di nila alam.


Mahina nga’t sa malakas nagpagamit.
Yaring mahirap di man gusto’y napilit;
Paggawang labag, pagkain ang palit.
Prinsipyo niyang dating tuwid, nalihis.


Iba ay sa talim ang asa’t pagkapit;
Na may pangakong yaman na bigla’t saglit,
Sa hirap sya’y maiahon kahit ipit,
Buhay man o’ pagkapiit ang kapalit.


Mabigat na pasanin, di makayanan;
Isiping patuloy na nadaragdagan.
Pobreng tao nawala sa katinuan;
Walang kumupkop, ayun nasa lansangan!


Mga anak mahirap, siyang pag-asa?
Heto, butu’t balat, tiya’y bilugan pa!
Naghihintay ng awa at pagkalinga,
Daing na lang ata kanilang sandata.


Hanggang kailan ba ito Pilipinas?
Papaano, sa lugmok na lagay aalpas,
Sa anyo nitong bangungot makakalas?
Sa kahirapang ugat nang nakalipas!

No comments: